NCIP, pinakikilos sa gusot sa katutubong Molbog ng Palawan

Humingi ng tulong sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang mga lehitimong Katutubong Molbog kaugnay sa iligal na pag-aagaw ng lupa sa Palawan.

Partikular dito ang maling pag-aangkin ng representasvon at lupain sa Sitio Mariahangin sa Balabac, Palawan.

Sa isang press conference sa Quezon City, idinaing ng mga katutubo ang maling pag-aangkin ng grupong tinatawag na Samahan ng mga Katutubo at Maliit na Mangingisda sa Dulong Timog Palawan (SAMBILOG) na ginagamit umano ang tribung Molbog para sa kanilang pansariling interes.

Kasama umano sa inaangakin ng mga ito ang mga lupang may titulo sa Sitio Mariahangin, na kilala rin bilang Bowen Island.

Tinatangka rin umanong gamitin ng mga ito ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) para sa iligal na pag-aagaw ng lupa ng mga indibidwal na walang awtorisasyon.

Umaasa ang grupo na mabigyan ng legal na proteksyon ang mga makasaysayang lupain nang hindi sinasakop ang mga lupang may legal na titulo.

Hinimok din ng mga katutubo ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na magsagawa ng validation ng IP members sa sitio Mariahangin Balabac Palawan.

Facebook Comments