Bumababa na ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) at ilang probinsya sa CALABARZON.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, nasa “moderate risk” na lamang ang Rizal pero nananatiling “high risk” sa COVID-19 ang NCR, Batangas, Cavite, Laguna at Quezon.
Samantala, bumaba na rin sa 0.52 ang reproduction rate o bilis ng hawaan ng COVID-19 sa NCR mula sa 0.63 noong January 26.
Habang sa CALABARZON, Rizal ang may pinakamababang reproduction rate na nasa 0.69 at pinakamataas sa Quezon na nasa 1.35.
Pagdating sa positivity rate, kapwa nakapagtala ang Quezon at Laguna ng 45% na pinakamataas sa rehiyon habang 22% naman sa NCR.
Pinakamababa naman ang average daily attack rate (ADAR) sa Quezon na nasa 11.13 habang 31.13 sa Metro Manila.
Ayon pa sa OCTA, inaasahang maglalaro na lamang sa 15,000 hanggang 19,000 ang maitatalang bagong kaso ng COVID-19 ngayong araw.