NCR, Cavite at Rizal, nasa “moderate risk” na lang ng COVID-19 – OCTA Research

Nasa “moderate risk” classification na lamang ng COVID-19 ang National Capital Region (NCR), Cavite at Rizal.

Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, nasa 23.01 na lamang ang average daily attack rate (ADAR) sa NCR; 20.30 sa Cavite at 15.09 sa Rizal.

Ang ADAR ay tumutukoy sa average na bilang ng naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa kada 100,000 indibidwal.


Samantala, nasa -68% na lamang ang growth rate sa NCR at -65% sa Cavite at Rizal.

Itinuturing namang “very low” ang reproduction rate o bilis ng hawaan ng virus sa NCR (0.47), Cavite (0.69) at Rizal (0.54).

Ayon kay David, maaaring maibaba pa sa “low risk” ang NCR sa loob ng dalawang linggo kung magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng mga kaso.

Nananatili namang “high risk” para sa COVID-19 ang mga probinsya ng Batangas, Laguna at Quezon.

Samantala, sinabi ni David na bumababa ang mga kaso sa CALABARZON, Central Luzon at sa nalalabing bahagi ng bansa sa pangkalahatan.

Bagama’t nakakagulat ang pagtaas ng naitalang bagong kaso sa NCR kahapon, umaasa si David na bunsod lamang ito ng backlog.

Ngayong araw, inaasahan ng OCTA Research ang 14,000 hanggang 18,000 na bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa kung saan 2,000 ay mula sa Metro Manila.

Facebook Comments