Isinulong ni Senior Deputy Minority Leader at Northern Samar Rep. Paul Ruiz Daza ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa NCR Fiber-Optic Backbone Development Project ng Metro Manila Development Authority o MMDA.
Ayon kay Daza, nagkakahalaga ang proyekto ng P1.1-billion.
Tinukoy ni Daza na ang naturang pondo ay orihinal na nakalaan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para gamitin sa paglalagay ng 105,000 free public Wi-Fi hotspots sa halagang P12 billion.
Nabatid ni Daza na P3 billion hangang P4 billion sa naturang pondo ay inilipat umano sa MMDA at sa mga Local Government Units (LGU) sa pamamagitan lamang ng mga Memorandum of Agreement.
Giit ni Daza, ang Kongreso lamang ang maaring magsagawa ng inter-agency fund transfer at dapat itong umayon sa kinauukulang batas.
Nakatanggap din ng impormasyon si Daza na isa lamang umano ang bidder para sa naturang proyekto at kinukwestyon din ni Daza na walang nakalathala sa website ng MMDA hinggil dito.
Umaasa si Daza na sakaling maikasa ng Mababang Kapulungan ang pagdinig ay masasagot ang mga isyu kaugnay sa proyekto upang matulungan din ang pamahaalaan lalo na ang pangulo na linisin ang burukrasya kasama ang MMDA.