Malabong bumalik sa mas mahigpit na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang National Capital Region (NCR).
Ito ang sinabi ni Interior Undersecretary Epimaco Densing III sa kabila ng pagkakatala ng panibagong high-record 8,773 daily COVID-19 cases sa bansa kahapon.
Ayon kay Densing, hindi nila natalakay sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mungkahi ng OCTA Research Team na isang buwang ilagay sa MECQ ang NCR sa halip na isailalim ito sa General Community Quarantine (GCQ) bubble kasama ang apat pang lalawigan.
Una rito, sinabi ng OCTA Research na kailangan ng apat na linggo para makita ang epekto ng pagpapatupad ng NCR+ bubble.
Gayunman, binigyang-diin ni Densing ang paninindigan ng gobyerno sa pagbalanse ng mga restrictions at pagbubukas ng ekonomiya.
Sa kabuuan, aabot na sa 693,048 ang COVID-19 cases sa bansa kung saan 13,095 na ang nasawi habang 99,891 ang active cases.