Iginiit ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na matagal nang ipinatutupad ng mga local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) ang “circuit-breaker” lockdowns laban sa COVID-19 bago pa man ito iminungkahi ng OCTA Research Group.
Ayon kay MMDA Chairperson Benhur Abalos, ang circuit-breaker lockdowns ay katumbas ng ‘granular’ lockdowns.
Aniya, ang lockdown ay nakatuon sa mga barangay o kalye, depende sa clustering ng COVID-19 cases.
Bukod dito, sinabi rin ni Abalos na nagsasagawa rin sila ng agresibong contact-tracing.
Binigyang diin ni Abalos na ang Metro Manila LGUs ang unang humiling sa Inter-Agency Task Force (IATF) na bawiin ang resolusyong nagpapahintulot sa mga batang edad lima at pataas na lumabas ng kanilang mga bahay.
Nagpasya rin ang mga alkalde na pahabain ang curfew hours.