Bagamat pinapayagan nang makalabas ng bahay ang mga batang may edad limang taong gulang pataas, hindi pa rin sila pwede pumasok sa shopping malls at iba pang enclosed spaces.
Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benhur Abalos, ang metro manila mayors ay maglalabas ng guidelines kaugnay sa pagpapahintulot sa mga bata na lumabas ng kanilang bahay.
Paglilinaw ni Abalos, ang mga bata ay pwede lamang sa lugar na open air o al fresco tulad ng parks, beaches, trail hikes at iba pa.
“Pero inuulit ko, siguro lalagyan pa namin ito ng karagdagang regulasyon para sa mga alkalde. For one, Ito’y mga bata, five years old, seven or eight, baka yung iba 10. Dapat siguro accompanied sila by adults. Hindi po pwedeng sila sila lang nandun, yung mga bata, nagtatakbuhan sa parke,” sabi ni Abalos.
Inaasahang ilalabas ang guidelines sa loob ng dalawang araw.
Ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan ang mga batang may edad lima pataas ay dumaan sa konsultasyon ng mga pediatricians at epidemiologists.