Nanindigan ang Metro Manila mayors sa desisyon nilang panatilihin ang pagpapatupad ng No-Contact Apprehension Program (NCAP) sa kabila ng petisyon para sa temporary restraining order (TRO) na inihain ng ilang transport group sa Korte Suprema.
Sa joint statement na inilabas nitong Miyerkules, sinabi ng mga alkalde na hindi kailanman nabalewala sa implementasyon ng NCAP ang due process para sa mga nahuhuling motorista.
Anila, may kani-kaniyang namang traffic adjudication board ang bawat local government unit kung saan maaaring tutulan o iprotesta ng mga motorista ang ipinataw na violations sa kanila.
Kasabay nito, nangako ang NCR mayors na patuloy na paghuhusayin ang infrastructure at kondisyon ng mga kalsada para sa mas ligtas na kapaligiran sa kanilang nasasakupan.
Hinimok din nila ang lahat ng ahensya ng gobyerno na suportahan sila sa pagsusulong ng mga international-proven program para sa epektibong traffic management.
Ang joint statement ay pirmado nina Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, Parañaque City Mayor Eric Olivarez, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Manila Mayor Honey Lacuna, at San Juan City Mayor Francis Zamora.