Nakitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang 11 lungsod sa Metro Manila sa nakalipas na dalawang linggo.
Ayon sa Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang National Capital Region (NCR) ay may 11 lungsod na nakapagtala ng positive two-week case growth rate.
Aniya, nag-a-average ang rehiyon ng 797 bagong kaso kada araw mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 22, mas mataas sa average na 618 bagong kaso noong July 9 hanggang 15.
Tumaas din ang mga kaso sa Cagayan Valley, Central Luzon at Calabarzon habang may pagbaba naman sa Bicol Region.
Pumapatag naman ang kaso sa Ilocos Region, Mimaropa at Cordillera Administrative Region.
Nagpakita rin ng pagtaas ng kaso ang Visayas habang sa Mindanao ay bahagyang bumaba.
Aminado naman si Vergeire na posibleng may kaugnayan sa mga COVID-19 variant ang pagtaas ng mga kaso sa nasabing lugar.
Sa kabila ng pagtaas ng kaso, ang buong bansa ay nananatili naman aniya sa “low-risk” sa COVID-19 area.