Umaasa ang OCTA Research Group ng magandang epekto ng ipinatupad na General Community Quarantine (GCQ) bubble sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, malaki ang maitutulong ng GCQ bubble para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 lalo na sa mga lalawigan na may mababa ang kaso ng virus.
Gayunman, hindi agad aniya mararamdaman ang pagbaba ng kaso sa loob ng bubble.
Paliwanag ni David, malabong maibaba sa 1 ang reproduction number ng Coronavirus sa loob ng dalawang linggo.
Tumagal kasi aniya ng 28 araw o halos isang buwan para bumaba ang reproduction number nang makaranas ang bansa nang pagsirit ng kaso ng COVID-19 noong isang taon.
Sa ngayon, nasa 2.1 ang reproduction number sa NCR at kung nais na mapababa ang kaso ng COVID-19, kailangang mapababa rin ang reproduction number mula sa 2.1 sa 1.
Ang reproduction number ay ang bilang ng mga tao na nai-infect ng isang COVID-19 case.