NCR, posibleng nasa moderate risk na pagsapit ng katapusan ng Hunyo

Kasunod nang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 partikular na sa Metro Manila, ibinabala ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group na posibleng nasa moderate risk classification na ang NCR sa katapusan ng Hunyo o sa unang linggo ng Hulyo.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni David na posible kasing pagsapit ng katapusan ng Hunyo o sa unang linggo ng Hulyo ay nasa 500 to 1,000 na ang arawang kaso ng COVID-19 sa kalakhang Maynila.

Kasunod nito, sinabi ni David na hindi pa naman napapanahon para itaas sa Alert level 2 ang status ng Metro Manila dahil nananatiling mababa ang ating health care utilization rate.


Aniya, nasa Inter-Agency Task Force (IATF) na ang pagpapasya kung itataas ba sa Alert Level 2 o papanatilihin ang Alert Level 1 status ng National Capital Region (NCR).

Samantala, maliban sa kalakhang Maynila, nagkakaroon din ng pagsipa ng kaso sa Calabarzon partikular sa Cavite, Laguna at Rizal ganundin sa Benguet at Iloilo sa Western Visayas.

Facebook Comments