NCR, tama lang na isailalim sa Alert Level 3

Suportado ni Senator Imee Marcos ang pagsailalim ng National Capital Region (NCR) sa Alert Level 3 simula bukas.

Giit ni Marcos, hindi tayo pwedeng maging alipin ng takot lalo’t base sa datos ng Department of Health (DOH) at OCTA Research Team ay bumababa na ang reproduction rate ng virus sa NCR at ibang probinsya.

Diin ni Marcos, ang mga lockdown ay hindi para sa mahihirap kundi para lang sa mga taong walang problemang maghain ng pagkain sa kanilang mga lamesa.


Paliwanag ni Marcos, kailangan ng mas nakararami ng trabaho para matustusan ang mga bayarin, pagkain at matrikula.

Ayon kay Marcos, kung gutom na at nababaon pa sa utang ay baka mamatay na lamang na wala na ngang pera ay wala pang dignidad.

Gayunman, ipinaalala ni Marcos na malayo pa tayo sa tinatawag na lebel para sa herd immunity na dati’y 70% ng populasyon at ngayon ay 90% na dahil sa Delta variant.

Kaya naman payo ni Marcos sa bawat Pilipino, maging responsable at disiplinado at patuloy na sumunod ng mahigpit sa health protocols.

Iminungkahi rin ni Marcos na gawing maayos ang pag-calibrate sa pagbukas ng mga restaurant, cinemas, malls, at iba pang mga negosyo gaya ng ginagawa sa iba’t ibang bansa.

Facebook Comments