
Biniberipika na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang tunay na nationality ng pangunahing suspek sa ‘chop-chop’ murder case sa Binondo, Manila.
Nabatid na inihayag ng pulisya na Taiwanese ang nasabing suspek batay na rin sa passport nito.
Pero kinontra ito ng Taipei Economic and Cultural Office in the Philippines o TECO at sinabi sa isang pahayag na peke ang Taiwanese passport ng suspek matapos itong isailalim sa kaukulang verification process.
Ayon sa TECO, personal silang nagtungo sa nasabing suspek at habang isinasagawa ang interview rito ay bigo itong makapagbigay ng valid Taiwan National Identification Number.
Kalaunan ay inamin nitong siya ay isang Chinese national at inamin rin niya na nabili ang pekeng Taiwanese passport sa pamamagitan ng isang application.
Kaugnay nito, ayon kay Asilo hindi pa nila mausisa ang tunay na pagkakakilanlan ng suspek dahil sa kawalan nito ng counsel ngunit tiniyak nito na nagpapatuloy ang kanilang beripikasyon.










