NCRPO Chief Debold Sinas, hindi pinagbabakasyon sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte

Kung magkukusa ay hahayaan ng Palasyo si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Debold Sinas na magbakasyon sa pwesto habang umuusad ang mga kasong isasampa rito.

Ito ay makaraang maging kontrobersyal ang birthday party ng nasabing opisyal sa kabila nang pinapairal na polisiya ng pamahalaan na nagbabawal sa mass gatherings o pagtitipon-tipon at nilabag din nito at ng mga nagsipagdalo sa Mañanita tradition ang social distancing at ang liquor ban.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, dahil sa matinding krisis na kinakaharap ngayon ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic, hinahayaan muna ng pangulo na mag-status quo o manatili muna sa pwesto si General Sinas.


Matatandaang makailang ulit na ring sinabi ng Palasyo na hangga’t hindi pa sinisibak ng pangulo ang isang opisyal na kanyang itinalaga ay nananatili pa rin dito ang trust and confidence ng pangulo.

Ngayong araw, isasampa ang kasong kriminal laban kay General Sinas at ilan pang senior police officials na dumalo sa nasabing birthday party.

Facebook Comments