Iginiit ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Major Gen. Debold Sinas na ang mga kumakalat na litrato online tungkol sa isinagawa niyang mañanita event ay edited na.
Nabatid na inulan ng batikos si Sinas dahil sa pagsasagawa ng mass gathering sa gitna ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Sinas, ang ilan sa mga litrato ay kinuha sa mga lumang post.
Hindi aniya ipinapakita sa mga kumalat na litrato ang tunay na nangyari sa event.
Iginiit din ni Sinas na pinagsabihan naman ang lahat ng dumalo sa nasabing event na sundin ang social distancing at precautionary health measures.
Bukod dito, pinagsabihan din ang mga dumalo na huwag magtagal at maghanda sa relief distribution.
Sa kabila nito, humingi ng patawad ang NCRPO Chief sa pangambang idinulot nito sa publiko.
Hindi niya intensyon na sumuway sa mga kasalukuyang health protocols.
Tiniyak din ni Sinas na nananatiling sumusunod ang NCRPO sa direktiba at patnubay ni Pangulong Rodrigo Duterte at ni PNP Chief, Police General Archie Francisco Gamboa.
Ang mga litrato na ipinost sa NCRPO Facebook page ay tinanggal na mula nang pumutok ang kontrobersiya.
Kaugnay nito, nagpaalala naman si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa mga government officials, maging sa mga law enforcers na maging mabuting halimbawa at ehemplo sa mamamayan sa gitna ng pandemya.
Mahalagang magpakita sila ng delicadeza habang ginagampanan ang kanilang mga duty.
Bukod sa DILG, magsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang PNP Internal Affairs Service hinggil sa insidente.