NCRPO Chief Major Gen. Debold Sinas, hindi dapat sibakin habang wala pang resulta ang imbestigasyon sa umano’y paglabag sa quarantine protocols

Isang linggo ang inilaan ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) upang tapusin ang imbestigasyon sa kontrobersyal na birthday celebration ni NCRPO Director Major General Debold Sinas nitong May 8, 2020.

Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, kahapon ay nagsimula na ang kanilang imbestigasyon sa idinaos na pagtitipon sa Camp Bagong Diwa sa Taguig na sinasabing may paglabag sa umiiral na quarantine protocols.

Paliwanag niya, kasama ang mga civilian lawyer na pumunta kahapon sa tanggapan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa ‘formal inquiry’ sa nangyari.


Dalawang aspeto ang aalamin sa imbestigasyon: Una, kung may mali ba sa ginawang event nang hindi na ito tuluran pa ng ibang kampo at maiwasan ang kahalintulad na pangyayari; at ikalawa, ang ‘individual liability’ o pananagutan ng mga dumalo.

Sa ngayon, wala pang eksaktong bilang ang PNP-IAS kung ilan ang mga pulis na dumalo sa pagtitipon nitong May 8 pero may impormasyon silang hawak na maraming opisyal ang dumating sa event.

Iimbestigahan din nilang maigi ang depensa ng NCRPO na nahaluan ng edited o lumang larawan ang nag-viral na picture sa social media.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Triambulo na hindi pa muna sisibakin sa pwesto si Sinas kahit iniimbestigahan ito dahil performing naman aniya ito sa kanyang duty.

Maganda naman daw ang trabaho nito sa NCRPO at kapag nagmadali sila sa pagpapasa ng hatol ay baka makompromiso ang trabaho nila.

Oras naman na mapatunayang may paglabag sa quarantine protocols kagaya na lang ng social distancing at pagsasagawa ng mass gathering, sinabi ni Triambulo na kasong kriminal at administratibo ang kakaharapin ni Sinas at iba pa.

Facebook Comments