Pinaalalahanan ng acting regional director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Police Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr ang lahat ng NCRPO personnel na maging maingat sa kanilang aksiyon sa mga public places.
Kasunod na rin ito ng pagkakasangkot ng isang police officer sa isang shooting incident sa Novaliches, Quezon City na nagresulta sa pagkamatay ng biktima.
Sinabi ni Nartatez na ang naturang insidente ay magsilbi raw sanang babala sa lahat ng pulis ng NCRPO.
Maigi umanong kontrolin ng isang pulis ang kanyang aksiyon at emosyon at huwag itaya ang seguridad ng mga taong nasa paligid nila.
Tiniyak din ng heneral na walang pulis na aabuso sa kapangyarihan sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Una rito, inaresto ng mga tauhan ng Station 4 ng Quezon City Police District ang suspect na si Patrolman Edwin Rivera, 26 years old at residente ng No. 116, Remarville Subdivision, Brgy. Bagbag, Novaliches City.
Lumalabas sa imbestigasyon na umiinom ang police officer sa Spot Light Beer and Cocktail Launch sa 945 Sarmiento Street, Brgy. Nova Proper, Novaliches, Quezon City.
Dito umano lumapit ang 29-year old na lalaki at nagkaroon ng bangayan ang dalawa.
Ayon sa mga testigo, bumunot daw ng baril ang pulis saka pinaputukan ang biktima sa kalagitnaan ng kanilang alitan.
Idineklara namang dead on arrival ang biktima ng Novaliches District Hospital kung saan ito isinugod.