Sisimulan na ng pangungunahan mismo ng HEPE ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mahigpit na pagbabantay sa kanilang Body Mass Index (BMI).
Ito ay bilang pagtalima sa naging kautusan ni Philippine National Police Chief General Archie Gamboa sa mga Pulis na panatilihing maayos ang kanilang pangangatawan gayundin ang tamang timbang.
Sa pulong balitaan sa Kamuning, Quezon City, sinabi ni Sinas na sasama siya sa kanilang weight loss program sa pamamagitan ng kanilang Summer Camp simula sa buwan ng Pebrero.
Dito titipunin ang mga matatabang Pulis na nasa ilalim ng kategoryang Obese 2 at 3 upang isalang sa substantial weight reduction gayundin ng lecture hinggil sa tamang diet.
Ang mga Opisyal na mapapasama rito ani Sinas ay hindi papapasukin sa trabaho sa loob ng 2 buwan para tutukan ang kanilang BMI at sa halip, papalitan ang mga ito ng kanilang Deputy.
Babala pa ni Sinas sa sinumang opisyal o miyembro ng NCRPO na tatangging sumailalim sa nasabing programa ay malayang maka-aalis sa kanilang destino o ang mabuti pa ay sa serbisyo.