NCRPO Chief Sinas, hiniling ng isang kongresista na suspendihin sa pwesto habang iniimbestigahan pa ang kontrobersyal na birthday party

Nanawagan si Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo na patawan agad ngayon ng Philippine National Police (PNP) ng suspensyon si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Debold Sinas.

Ito ay kaugnay sa kontrobersyal na birthday bash ng heneral na sinasabing kinakitaan ng mga paglabag sa quarantine protocols at sa Bayanihan to Heal as One Act.

Giit ni Tulfo, hindi sapat ang paghingi ng paumanhin ni Sinas kundi dapat ay isuspinde na ito agad habang ongoing ang gagawing imbestigasyon sa kanya ng PNP.


Kung hindi aniya kaya ng PNP na suspendihin si Sinas ay maaaring si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang gumawa nito at isailalim sa floating status ng pulisya ang heneral.

Inirekomenda rin ng kongresista na bukod sa PNP ay maaaring magsagawa din ng imbestigasyon ang National Police Commission (NAPOLCOM) o ang National Bureau of Investigation (NBI) sa naganap na selebrasyon ng kaarawan ni Sinas.

Dahil sa mga paglabag ng heneral, inaasahan ng mambabatas na masampahan ito ng kasong administratibo at kriminal.

Facebook Comments