Welcome sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang anumang parusa na ipapataw sa kanila kapag napatunayang may paglabag sa Data Privacy Act ang pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang miyembro ng media.
Ayon kay NCRPO Spokesperson PLt. Col. Dexter Versola, ang pagbisita sa mga tahanan ng mga mamamayag ay para lamang mapakita ang malasakit at kaligtasan sa mga taga-media kasunod ng pagpatay sa beteranong broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.
Tiniyak ni Versola sa publiko na ang ginawa nilang hakbang ay walang malisya at may tunay at maayos na intensyon upang maprotektahan ang mga personalidad sa media.
Dagdag pa ni Versola, ang mga address ng tahanan ng mga mamamahayag ay nakuha sa pamamagitan ng koordinasyon sa mga opisyal ng barangay.
Una nang humingi ng paumanhin si NCRPO Chief Brigadier General Jonnel Estomo para sa mga pagbisita sa bahay sa mga mamamahayag at inutusan ang lahat ng hepe ng pulisya na itigil ang inisyatiba.