Tiniyak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Debold Sinas na nagpakita ng maximum tolerance si PSMS Roland Von Madrona sa pagpapatupad ng batas sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Ito ang naging pahayag ni Sinas matapos mag-viral ang video sa social media ni Madrona, isang Makati Police habang inaaresto si Javier Parra, isang Spanish national at residente sa Dasmarinas Village sa lungsod ng Makati noong linggo, pasada alas-6:00 ng gabi dahil sa paglabag sa ilang panunutunan ng ECQ.
Aniya, mas papalakasin pa ng team NCRPO ang pagpapatupad ng mga batas kaugnay sa ECQ lalo na’t na-extended ito hanggang May 15.
Wala aniya silang kikilingan, aarestuhin nila ang sino mang lalabag sa batas kaugnay sa ECQ, mahirap man o mayaman.
Ipapatupad aniya ang mga batas sa ilalim ng ECQ hindi lang sa mga ordinaryong komunidad, kundi kasama na rito ang mga nakatira sa condominium at exclusive subdivision.
Kaya panawagan niya sa publiko na sumunod na lang sa ipinapatupad na batas at panuntunan kaugnay sa ECQ, upang matapos na health crisis na kinakaharap ng bansa.