Tiniyak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Police Major General Debold Sinas na mas paiigtingin pa nila ang kanilang operasyon upang mapigilan ang paghahasik ng riding in tandem sa Metro Manila.
Sa isinagawang press conference, tiniyak ng NCRPO na kanilang ipatutupad ang mahigpit na police visibility at ikakalat ang motorcycle units upang agad na masita ang mga kahina-hinalang riding in tandem, at magpapakalat pa rin sila ng mga checkpoint sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Aminado ang NCRPO nang ibaba ang community quarantine status ay unti-unti na rin umakyat ang bilang ng mga kaso ng riding in tandem pero noong nasa Enhance Community Quarantine (ECQ) ay halos mababa ang naitalang kaso kaugnay nito.
Matatandaan na naging viral ang video ng walang awang pamamaril at pagnanakaw ng mga gamit at motor sa Valenzuela City ng riding in tandem na agad na ikinamatay ng biktima.
Makaraan ang ilang araw, naaresto ang isa sa mga suspek at iniwan na lamang ang motor na kinuha sa biktima.