Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko hinggil sa kumakalat na iligal na pagbebenta at paggamit ng mga pekeng liquefied petroleum gas (LPG) sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO Dir. PBGEN Jonnel Estomo, delikado at maaaring magdulot ng panganib sa mga kababayan kung tatangkilikin ang mga pekeng LPG.
Sa halip na makamura, maaari naman mapahamak ang sinumang gagamit ng mga pekeng LPG.
Ang paalala ng NCRPO ay kasunod ng pagkaka-aresto ng apat na indibidwal na nagbebenta ng mga pekeng LPG sa Sampaloc at Sta. Mesa, Maynila kung saan improvised o peke rin ang ginagamit nilang selyo.
Ang mga nadakip na suspek ay bunsod ng reklamo ng isang kumpaniya ng LPG kung saan nasakote ang mga ito sa pakikipag-koordinasyon ng publiko sa mga pulis.
Kaugnay rito, hinihimok ng NCRPO ang lahat na isumbong sa kanilang tanggapan sakaling maka-engkwentro o makakita ng iligal na pagbebenta ng LPG upang matigil at mahuli ang mga nasa likod nito.