Marawi City – Kasunod ng nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi, tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang pagtulong ng ating mga kababayan sa mga Internally Displaced Persons sa Mindanao.
Sa katunayan, noong isang buwan lamang namahagi ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng relief goods sa 1,500 bakwit families sa pitong evacuation centers sa Iligan City.
Ayon kay NCRPO chief, Director Oscar Albayalde, kasama sa ibinigay na ayuda ang mga malong, sweater, cardigans, t-shirts, leggings, undergarments, toys for kids, first aid kits, diapers, mga biscuits at iba pang halal products.
Sinabi ni Albayalde, umaasa silang sa pamamagitan ng ipinagkaloob nilang mga munting regalo ay maiibsan ng kahit papano ang problema at lungkot ng mga bakwit.
Sa ngayon, ayon sa Armed Forces of the Philippines ay malapit nang magwakas ang bakbakan sa Marawi City na nag-umpisa noon pang May 23.