NCRPO, nagdagdag ng mga tauhan sa paligid ng Sofitel Philippine Plaza Manila sa ikapitong araw ng paghahain ng COC

Nagdagdag ng pwersa ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa paligid ng Harbor Garden Tent sa Sofitel Philippine Plaza Manila.

Ito’y dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga supporter ng mga pulitiko na maghahain ng kanilang Certificate of Candidancy (COC) sa ikapitong araw mula ng simulan ito.

Nabatid na nais ni NCRPO Chief Police Maj. Gen. Vicente Danao na mahigpit na maipatupad ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing sa mga supporter na magtutungo sa labas ng Sofitel partikular sa tapat ng PICC.


Nakaharang na rin ang dalawang truck ng NCRPO sa magkabilang panig ng Vicente Sotto Avenue patungong Sofitel upang masiguro na wala ng supporters ang makakalusot.

Maging ang mga kalsada patungong Sofitel ay doble na rin ang seguridad na ipinapatupad kung saan ang mga wala namang transaksyon o appointment ay hindi na pinapatuloy.

Sa kabila nito, muling nananawagan ang NCRPO sa mga pulitiko na huwag ng magsama ng sangkaterbang mga supporter na maaaring maging sanhi ng hawaan ng COVID-19.

Facebook Comments