Naglatag na ng plano at mga hakbang ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa pagsisimula ng pangangampanya ng mga lokal na kandidato sa Metro Manila.
Nasa halos 4,000 tauhan ng NCRPO ang ipapakalat sa iba’t ibang aktibidad ng kampanya ng mga kandidato sa lokal na posisyon para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Ang ilan naman sa mga pulis ay nakahanda lamang sakaling kailanganin sila sa inang dahilan kung saan inabisuhan na rin ang lahat ng istasyon na maging handa sa anumang hindi inaasahan na pangyayari.
Sa pahayag ni Police Maj. Gen. Felipe Natividad, magiging hamon sa NCRPO ang nalalapit na halalan lalo na’t nahaharap pa rin ang bansa sa COVID-19 pandemic kung saan inaasahan niya ang kooperasyon ng lahat ng tauhan na magagawa nila ng maayos ang trabaho.
Dagdag pa ni Natividad, nais niyang palakasin pa ang presensiya ng mga pulis, walang tigil na pagbabantay at patuloy na anti-criminality campaign para masigurong ligtas, payapa at maging patas ang nalalapit na halalan.
Hangad din ng NCRPO na makamit ang zero election-related incident sa panimula ng kampanya ng mga lokal na kandidato sa Metro Manila.