Kinailangan ma-embalsamo kaagad ang bangkay ng flight attendant na si Christine Dacera dahil itinuturing ito bilang naka-quarantine sa Makati hotel kung saan natagpuan siyang patay.
Ayon National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Brigadier General Vicente Danao Jr., may mga bagong patakaran na sinusunod sa gitna ng global pandemic kung saan dapat ma-embalsamo muna ang mga COVID-19 cases bago ang pagsasagawa ng otopsiya.
Aniya, makukunsidera ang tao bilang suspected o probable COVID-19 case kung nasa isang quarantine facility sila.
Gayunpaman, hindi alam ni Danao kung nagpositibo sa COVID-19 test si Dacera bago ito pumanaw.
Una nang sinabi ng Forensic Pathologist na si Raquel Fortun na dapat ay inilagay ng mga otoridad ang bangkay ni Dacera sa refrigerator habang hinihintay ang resulta ng swab test bago sana ito na-embalsamo
Kung talagang may COVID-19 si Dacera, dapat nagsuot ng Level 3 Personal Protective Equipment (PPE) ang mga nakasalamuha ng biktima at pati na rin ang embalsamador.