Tiniyak ng National Capital Region Police Office o NCRPO na nakahanda silang tumugon sa panahon ng kalamidad lalo na ngayong nalalapit na ang panahon ng tag-ulan.
Ayon kay NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar, may kaniya-kaniyang plano ang Disaster Risk Reduction and Management Office ang bawat labing anim na lungsod at isang munisipalidad sa Metro Manila, pero naka-antabay lang sila kung sakaling kailanganin ng tulong.
Sinabi pa ni Eleazar na nakahanda silang ibigay ang mga tauhan, sasakyan, kagamitan at iba pang resources sa kada Local Government Unit kung magkakaroon ng pre-emptive at force evacuation kapag bumaha.
Hinimok din ni Eleazar ang publiko na paghandaan na rin ang tag-ulan sa pamamagitan ng paglilinis sa kanilang mga kapaligiran para makaiwas sa pagbaha na dulot ng pagbara ng mga basura sa mga lagusan ng tubig.