Ngayong umarangkada na ang local campaign period tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na pinaigting nila ang pagpapatrol at pagmo-monitor sa mga lugar kung saan nagsasagawa ng campaign activities ang mga kandidato.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NCRPO PIO Chief PLt. Col. Jenny Tecson na nasa 4,000 personnel ng NCRPO ang nakakalat sa Kalakhang Maynila.
Mayroon din aniyang mga pulis na naka-deploy sa bisinidad ng isang campaign sortie nang sa ganon ay maiwasan ang pagkakaroon ng traffic congestion.
Maliban dito, nakapokus din aniya ang kapulisan sa anti-criminality operations.
Paliwanag ni Tecson, hindi maiiwasang may mga mananamantala sa panahon ng kampanya na mga kawatan kung kaya’t tuloy-tuloy ang pagsasagawa nila ng checkpoint.
Ani Tecson, malaking bagay ang pagsasagawa ng kapulisan ng checkpoint dahil marami ang nahuhuli na lumalabag sa gun ban.
Paalala pa nito sa mga supporter na lalahok sa campaign activities na sumunod pa rin sa health and safety protocols, manatiling vigilant at mapagbantay laban sa mga kawatan.