NCRPO, nakipagdayalogo sa mga mall security kaugnay ng pagpapatupad ng GCQ

Pinulong ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga mall security officers at tinalakay ang mga alituntunin sa napipintong pagbubukas ng mga mall sa ilang bahagi ng bansa sa pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) kapalit ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Isinagawa ang pulong sa Camp Bagong Diwa kahapon na dinaluhan ng mga kinatawan ng karamihan sa mga mall sa Metro Manila tulad ng Ayala Malls, SM Malls, Shangrila, Landmark, Rockwell at iba pa.

Ayon kay NCRPO Director Police Major General Debold Sinas, ang pagpupulong ay inisyal na hakbang para plantsahin ang koordinasyon sa pagitan ng PNP at mall security.


Napag-usapan ang magiging pagkilos ng mga pulis sa mga establishment sa pagpapatupad ng mga alituntunin sa ilalim ng GCQ.

Ilan pa sa mga natalakay ay ang paglimita ng security sa mga papasok sa mall para mapanatili ang distansya na dalawang metro kada tao; paglimita sa pasukan at labasan ng mga mall; pagtatatag ng PNP desks sa labas ng mga mall; pagpapatupad ng “keep right” sa daanan ng mga tao; at pagbabawal sa paghihintay sa loob ng mga shop.

Aminado naman si General Sinas na magiging challenge sa kanila ang pagpapatupad ng tradisyunal na seguridad sa mga mall sa gitna ng patuloy na banta sa COVID-19.

Facebook Comments