Tiniyak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Vicente Danao walang dapat ikabahala ang publiko sa seguridad sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay sa kabila ng pagkaka-aresto ng magkapatid na miyembro ng teroristang Abu Sayyaf sa Taguig city.
Gayunman, sinabi ni Danao na hindi dapat magpakakampante ang otoridad sa harap ng pagka aresto kina Taupik Galbun alyas “Pa Wahid”, 40-anyos at Saik Galbun alyas “Pa Tanda” 42-anyos.
Nagbabala rin ang NCRPO Chief sa mga kumakanlong sa mga miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Metro Manila.
Bagamat di nagbanggit ng pangalan, nagparinig si Danao sa isang pulitiko na minsan nang nakiaalam at ipinagtanggol ang mga naarestong miyembro ng ASG.
Babala ni Danao na huwag gawing political advantage ang pagkanlong sa ilang miyembro ng Abu sayaf partikular na sa Metro Manila.
Iginiit pa ni Danao base sa kanilang isinagawang imbestigasyon pumapasok ang ilang mga miyembro ng ASG bilang security guard at delivery boy para makapagtiktik sa gobyerno at makagawa ng terrorist attack.
Aminado rin ng opisyal na nakatulong ang kanilang memorandum on understanding sa pagitan ng Islam community sa pagkakaaresto sa dalawang suspect.