NCRPO Quarantine areas, nilagyan ng mga CCTV camera

Inihayag ng pamunuan ng National Capital Region Police Office o NCRPO na nilagyan nila ng mga CCTV Cameras ang apat sa Quarantine Facilities nito upang mas lalong matutukan ang mga aktibidad ng mga personnel nilang kabilang sa mga suspected at probable cases ng Coronavirus Diseases 2019 o COVID-19.

Ayon kay NCRPO Director P/MGen. Debold Sinas, ang quarantine facility na tinawag nilang Special Care Facilities (SCF), ay meron ng 88 NCRPO personnel na mga COVID-19 suspected at probable cases patients.

Ang paglalagay anya ng mga CCTV Cameras sa SCF ay makakatulong para makita kung talagang sumusunod sila sa ibinigay na kautusan bilang mga isolated personnel, tulad ng social distancing.


Ito rin anya ay makakatulong sa mga doktor na tumitingin sa kanila para malaman ng real-time at actual events na nangyayari sa mga pasyente na nasa loob ng quarantine facilities upang mabigyan ng tama at agarang medical assistance.

Ang pagtatayo ng Quarantine Facilities sa loob ng NCRPO ay isa lang sa mga hakbang ng nasabing Police Regional Office upang mabigyan ng agarang proteksyon ang mga Personnel nito na patuloy na nagseserbisyo sa bansa upang tulungan ang pamahalaan sa mga hakbang nito na mapigilan ang pagkalat pa ng virus.

Facebook Comments