Walang nakikitang banta sa seguridad ang National Capital Region Police Office o NCRPO ngayong papalapit ang Undas.
Ito ay ayon kay NCRPO acting Chief Police Brigadier General Debold Sinas, kung saan sinabi ito ng opisyal sa ginawa nitong pag-iikot sa Manila North Cemetery kasama si Mayor Isko Moreno.
Dagdag pa ni Sinas, patuloy silang magmo-monitor sa ilang sementeryo sa mga lungsod mula ngayong araw para masigurong ligtas ang publiko.
Nasa 250 hanggang 300 pulis din ang kanilang ipapakalat kada shift at kada distrito kung saan mag-iikot sila sa loob at labas ng sementeryo.
Mas dadami pa ang ipapakalat na mga pulis simula bukas, November 1 hindi lamang sa mga sementeryo at simbahan maging sa ilang lugar na pinapasyalan ng tao.
Laking pasalamat naman ni Sinas kay Mayor Isko dahil sa mga hakbang nito sa loob ng Manila North Cemetery tulad ng pagpapaalis sa mga informal settlers kaya at napapagaan ang trabaho ng mga pulis.