Nasawi ang tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF) Mindanao at isa nitong kasamahan sa isang ikinasang police operation sa Hermenia’s Resort, Brgy. San Agustin Sur, Tandag City, Surigao del Sur.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) CARAGA Regional Dir. Brig. Gen. Romeo Caramat, kinilala ang biktima na si Alvin Luque na gumagamit sa mga alyas na Joaquin Jacinto at Joaquin Cordero.
Isisilbi lang sana ng mga tauhan ng CARAGA Police ang apat na Warrant of Arrest laban sa suspek dahil sa mga kasong Kidnapping with Serious Illegal Detention, Attempted Murder at paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Pero papalapit pa lang ang mga operatiba sa area ng mga suspek ay pinaputukan na sila kaya’t napilitan umano ang mga pulis na gumanti ng putok na ikinamatay ng dalawa.
Batay sa joint order ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of National Defense (DND) si Luque ay may patong sa ulo na anim na milyong piso bilang mataas na opisyal ng CPP-NPA sa Mindanao.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang ilang matataas na uri ng armas, pampasabog, flag ng CPP-NPA-NDF at iba’t ibang subersibong mga dokumento.