NDFP CONSULTANT ARREST | Pag-aresto, tinawag ng MAKABAYAN na harassment at paglabag sa JASIG

Manila, Philippines – Umalma ang MAKABAYAN sa Kamara sa pagkaka-aresto kay National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Peace Consultant Rafael Baylosis.

Kasama si Baylosis sa pinayagang makalaya noon ng pamahalaan para makibahagi sa peace negotiations sa pagitan ng pamahalaan at NDFP.

Iginiit nila Bayan Muna Representative Carlos Zarate, Kabataan Representative Sarah Elago, at ACT Teachers Representative Antonio Tinio na ito ay paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na isang binding agreement na pinirmahan ng pamahalaan at ng rebeldeng grupo.


Sinabi pa ng mga kongresista na inaresto si Baylosis sa mga gawa-gawang kaso na walang batayan kaya walang dahilan para ibalik ito sa kulungan.

Nangangamba din ang mga mambabatas na ang pagkakaaresto kay Baylosis ay simula na rin ng crackdown ng gobyerno para hulihin ang mga kritiko sa gobyerno.

Facebook Comments