NDRRMC, aminadong hirap ngayong panahon ng pandemya kung saan sinabayan pa ng bagyo

Aminado si National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Undersecretary Ricardo Jalad na hirap ang kanilang sitwasyon ngayon kung saan maliban sa sinusuong na pandemya, ay sumabay pa ang paghagupit ng bagyo sa ilang bahagi ng bansa.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Jalad na may evacuation centers kasi na itinayo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga Local Government Unit (LGU) ang pansamantalang ginawang isolation o quarantine facilties.

Kung kaya’t limitado lamang aniya ang mga evacuation center na maaaring pagdalhan sa mga kababayan nating apektado ng pagbaha dala ng bagyo.


Kasunod nito, tiniyak din ni Jalad na mahigpit na ipinatutupad ang social distancing sa mga evacuation center.

Umaapela rin ang opisyal sa mga LGU na gumamit ng iba pang pasilidad tulad ng covered court, multi-purpose halls at gyms para doon muna pansamantala kalingain ang mga kababayan nating maaapektuhan ng sama ng panahon.

Pagdating naman sa relief goods ay nakahanda na ito maging ang non-food items at mga gamot.

Facebook Comments