NDRRMC: Bilang ng mga naapektuhan ng nagdaang Bagyong Kabayan, lumobo pa sa mahigit 320,000 indibidwal

Nadagdagan pa ang bilang ng mga indibidwal na naaapektuhan ng shear line at nagdaang Bagyong Kabayan sa ilang rehiyon sa bansa.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umakyat pa sa kabuuang 322,768 mga indibidwal o katumbas ng 87,599 na mga pamilya na naaapektuhan ng nasabing masamang lagay ng panahon.

Base pa sa datos ng NDRRMC, nasa 3,092 katao o 1,440 pamilya ang kasalukuyang nananatili ngayon sa 25 evacuation centers habang ang 66 na mga pamilya naman ay piniling manuluyan muna pansamantala sa kanilang mga kamag-anak.


Samantala, sa ngayon ay tatlong lugar pa rin sa Davao Region ang nakakaranas ng power interruption, habang anim na lugar sa Caraga ang wala pa ring kuryente at linya ng komunikasyon.

Aabot din sa 1,387 na mga kabahayan ang napaulat na partially damaged habang nasa 40 naman ang totally damaged mula Northern Mindanao, Caraga, at MIMAROPA.

Sa ngayon, umaabot na sa kabuuang P2.5-M ang halaga ng tulong ang naipaabot ng pamahalaan sa mga apektadong indibidwal.

Facebook Comments