Nakataas ngayon sa Red Alert status ang National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC Emergency Operations Center bilang paghahanda sa pananalasa ng Bagyong Odette.
Sa press conference ng NDRRMC ngayon hapon, sinabi ni Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Ricardo Jalad, inaasahang magla-land fall ang bagyo sa Caraga o eastern Visayas region bukas ng hapon o gabi.
Bagama’t hindi aniya inaasahang maging super typhoon si Odette, delikado pa rin ang malakas na pag-ulan na posibleng maging sanhi ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Jomar Perez, Chief ng Emergency Operations Center, ang mga lugar na nasa “high risk” category ay ang MIMAROPA, Region 6,7,8,10, 12 at Caraga.
Nasa medium risk naman ang Region 1, 2, Calabarzon, 5, 9,11, at Bangsamoro Autonomous Region; habang nasa “low risk” naman ang National Capital Region, Cordillera Autonomous Region at Region 3.
Aniya, naka-standby na ngayon ang mahigit 3,000 search and rescue units, mahigit 500 land assets, halos 300 sea assets at 8 aircraft para rumesponde sa anumang insidente kaugnay ng bagyo.
Habang may P331 milyong halaga naman ng standby resources ang naka-pre-position para tulong sa mga apektadong residente.