Hinimok ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang publiko na makilahok sa 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill ngayong Huwebes ng umaga.
Magsisimula ang programa ng alas-8 ng umaga, sa Legazpi Village, Makati City na mapapanood sa Civil Defense PH at NDRRMC Facebook page.
Ganap na alas-9 pipindutin ang ceremonial button para patunugin ang sirena na hudyat para isagawa ng mga kalahok ang “duck, cover, and hold”.
Ang programa ay pangungunahan ni Department of National Defense (DND) Undersecretary Franco Nemesio Gacal, Civil Defense Administrator and NDRRMC Executive Director Undersecretary Raymundo Ferrer, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Carlo Dimayuga III, at Makati City Mayor Mar-Len Abigail Binay.
Magsasagawa ng “full-scale exercise” ang Makati Local Government Unit (LGU) na susubok sa kanilang kakayahang tumugon sa 7.2 magnitude earthquake.
Nabatid na makalipas ang 2 taon, ngayon na lamang muli idaraos ang face to face earthquake drill dahil sa COVID-19 pandemic.
Kasunod nito, pinaalalahanan ng OCD ang mga lalahok na sumunod pa rin sa minimum health standards upang makaiwas sa pagkalat ng COVID-19.