NDRRMC itinangging sa kanila nanggaling ang emergency notification patungkol sa pagtakbo ng isang pulitiko sa pagkapangulo

Pinabubulaanan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na sa kanila nagmula ang emergency notification na natanggap ng mga media sa Sofitel kaugnay sa kandidatura ni former Senator Bongbong Marcos.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, hindi sila nag-iisyu ng ganitong klase ng mensahe sa publiko sa pamamagitan ng mga telco partners.

Nakabatay aniya sa RA-10639 o ang Free Mobile Disaster Alerts Law ang paggamit nila ng emergency mobile alert system na kinakailangan ang warning messages ay hazard-specific, time-bound at area-specific.


Ngayong araw aniya tanging rainfall warnings dahil sa sama ng panahon ang kanilang inisyung emergency notifications.

Nakipag-ugnayan na raw sila sa kanilang telco counterparts at sinabing ang kumalat na mensahe ay hindi galing sa kanila.

Sa ngayon ipinauubaya na ng NDRRMC sa National Telecommunications Commission (NTC) ang isyu.

Pagtitiyak naman ni Timbal sa publiko na ginagamit lamang nila ang warning systems batay sa nakasaad sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Facebook Comments