
Nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga residente ng Puerto Princesa City, Palawan at Zamboanga City, Zamboanga del Sur kaugnay ng inaasahang rocket launch ng China ngayong hapon.
Ilulunsad ang Long March 8A rocket ng China mula 3:41 hanggang 4:18 ng hapon.
Ayon sa NDRRMC, posibleng bumagsak ang ilang bahagi ng rocket o debris sa karagatang sakop ng bansa, humigit-kumulang 120 nautical miles mula sa Puerto Princesa, at 42 nautical miles mula sa Zamboanga City.
Bilang pag-iingat, inatasan ng NDRRMC ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources – National Mapping and Resource Information Authority (DENR-NAMRIA) na magpatupad ng temporary restrictions at maglabas ng Notice to Mariners at Navigational Warnings sa mga lugar na itinuring na drop zones upang maiwasan ang anumang insidente.
Nagpaalala rin ang Philippine Space Agency na huwag lalapitan o kukunin ang anumang debris na makikita dahil maaaring naglalaman ito ng nakalalasong kemikal na delikado sa kalusugan.









