NDRRMC, nagbigay ng direktiba sa bawat regional DRRMCs at OCD na paghandaang maigi ang El Niño

Muling nagpulong ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan bilang paghahanda sa El Niño phenomenon.

Kasunod nito, naglabas ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng isang memorandum na nag-aatas sa lahat ng regional DRRMCs at Office of Civil Defense (OCD) Regional offices na maghanda at maging alerto dahil sa El Niño.

Ayon kay OCD Deputy Administrator Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV, kailangang magkaisa ang lahat para makatalima sa diretiba ni Pangulong Bongbong Marcos.


Nakasaad sa nasabing memo ang pagkakaroon ng close monitoring warning mula sa PAGASA, pagpapalabas ng advisory sa publiko hinggil sa water and energy conservation, maintenance ng water distribution systems para maiwasan ang water wastage gayundin ang pagpapalakas ng risk communication, pagpapalabas ng public health advisory para sa El Niño at minimum health standards for COVID-19 at iba pa.

Ani Alejandro, kailangang matukoy at magkaisa ang mga concerned government agency sa pagkakaroon ng short term solutions, medium term, at long term solutions.

Binubuo ang El Niño team ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Energy (DOE), Department of Health (DOH), Department of Science and Technology (DOST), National Economic and Development Authority (NEDA), National Irrigation Administration (NIA) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Facebook Comments