Wednesday, February 4, 2026

NDRRMC, naglabas ng direktiba sa mga OCD regional offices at local DRRMCs para sa paghahanda sa Bagyong Basyang

Naglabas ng direktiba ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga regional offices ng Office of Civil Defense (OCD) at mga local Disaster Risk Reduction and Management Councils (DRRMCs) upang paigtingin ang paghahanda kaugnay ng Bagyong Basyang.

Sa inilabas na memorandum ng NDRRMC, kabilang sa mga ipinag-utos ang agarang pagbibigay ng tama at napapanahong impormasyon sa publiko gamit ang multi-platform communication, gayundin ang paglalagay ng malinaw at angkop na warning signs sa mga lugar na may banta ng landslide at pagbaha.

Kasama rin dito ang paglalabas ng travel advisories at posibleng suspensyon ng mga biyahe sa lupa, dagat, at himpapawid, pati na ang mahigpit na pagpapatupad ng pre-emptive evacuation sa mga lugar na itinuturing na high-risk.

Ipinag-utos din ang pagpapatupad ng “no-sail policy” at movement restrictions kung kinakailangan, bilang bahagi ng pagtiyak sa kaligtasan ng publiko, gayundin ang prepositioning ng mga resources at pagtitiyak sa kahandaan ng mga personnel, sasakyan, at kagamitan para sa agarang pagtugon sa oras ng emergency.

Kaugnay nito, pinayuhan ang mga komunidad na malapit sa mga ilog, watershed, at mabababang lugar na maghanda at lumikas nang mas maaga bago pa lumala ang lagay ng panahon.

Facebook Comments