Pinaghahanda na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga kababayan nating posibleng maapektuhan ng sama ng panahon.
Sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) maaaring pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) partikular sa Mindanao ang low pressure area (LPA) sa loob ng 12 oras.
Kapag ito ay naging isang ganap na bagyo tatawagin itong Rosal.
Dahil dito, pinakikilos na ng NDRRMC ang Local Disaster Risk Reduction and Management Office para mayroong paglikasan ang mga maapektuhang indibidwal.
Dapat ding maagang ilikas ang mga residenteng nakatira sa mga lugar na delikado mula sa pagguho ng lupa at pagbaha.
Kasunod nito nag-abiso sa publiko ang NDRRMC na mag-ingat, ugaliing mag-monitor sa lagay ng panahon at makinig sa abiso ng mga awtoridad.