NDRRMC, nakapagtala ng 31 insidente ng pagbaha at landslide sa NCR, MIMAROPA at Region 6

Na-monitor ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang 31 na insidente ng pagbaha at landslide sa ilang lugar sa National Capital Region (NCR), MIMAROPA Region at Region 6 dulot pa rin ng Southwest Monsoon na pinalakas ng Bagyong Fabian.

Batay sa ulat ng NDRRMC, walong insidente ng pagbaha ang kanilang na-monitor sa rehiyon ng MIMAROPA partikular sa Occidental Mindoro partikular sa Sablayan, Sta. Cruz at Mamburao.

Habang 17 insidente rin ng pagbaha ang naitala rito sa NCR partikular sa ilang lugar sa Makati, Mandaluyong, Manila, Pasay at Quezon City dahil sa walang tigil na pag-ulan.


Nakaranas din ng landslide sa Sablayan Occidental Mindoro, Tobias Fornier Antique at Barabaza sa Region 6.

Dahil naman sa malakas na hangin, ulan at malalakas na alon nasira ang isang bangka at lumubog sa Caluya Semirara Island kung saan nailigtas ang walong sakay ng mga ito.

Kaugnay nito, sa kabuuan, umabot na sa 695 katao ang apektado ng pabaha at landslide sa MIMAROPA, Region 6 at Cordillera Administrative Region.

190 sa mga ito, nakitira sa kanilang mga kaanak habang 472 ay nasa pitong evacuation centers sa MIMAROPA at Region 6.

Nagpapatuloy ang monitoring ng NDRRMC sa mga lugar na ngayon ay nakakaranas ng walang tigil na pag-ulan katulad dito sa Metro Manila.

Facebook Comments