
Nakataas na ang alert status ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa preparasyon sa nalalapit na Undas 2025.
Sa memorandum na inilabas ng NDRRMC, inatasan nito ang lahat ng regional at local na disaster units sa bansa na siguraduhin ang kahandaan para sa ligtas at maayos na paggunita ng Undas.
Isa sa mga direktiba sa memorandum ay ang mahigpit na koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan kagaya ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Transporation (DOTr) at iba pa.
Bukod dito , nakasaad din dito ang pagsisiguro sa kaligtasan at seguridad sa mga high-traffic areas kagaya ng sementeryo, pantalan, paliparan at bus terminals.
Kaugnay nito, inatasan din ng ahensya ang pagpapakalat ng mga public advisories at impormasyon sa mga communication platforms ng bawat Local na DRRMCs.
Layon ng ahensya ang ligtas, maayos at mapayapang paggunita ng paparating na Undas.









