
Pagiigtingin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang information campaign patungkol sa lindol lalo na at sunud-sunod ang naging pagtama nito sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
Sa isinagawang pagpupulong ng mga myembro ng Inter-Agency Coordinating Center ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, tinalakay nila ang mga dapat pang gawin ng konseho at ng iba’t-ibang member agency nito.
Ayon kay kay Civil Defense Deputy Administrator for Administration Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, kailangan pataasin ang inpormasyon, edukasyon at kampanya patungkol sa mga nararapat gawin bago, habang at pagkatapos ng pagtama ng lindol.
Ayon pa sa kanya, isa ring hamon sa kanila kung paano ilo-localize ang mga earthquake protocol at ibabahagi ang mga impormasyon hanggang sa lebel ng barangay.
Gayunpaman, ang ahensya ay gagawa ng isang comprehensive plan para lalong ma-educate ang taumbayan na itinuturing din na isang hakbang na di dapat palampasin at isang priority area na dapat gawin ng NDRRMC.









