NDRRMC, pinag-iingat ang publiko sa Bagyong Florita

Photo Courtesy: PAGASA

Pinaalalahanan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga residente sa mga lalawigang possibleng maapektuhan ng Bagyong Florita na mag-ingat.

Base sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), makakaranas ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan ang Cagayan, Isabela, Batanes, at Aurora ngayong umaga hanggang hapon.

Habang makararanas ng malakas hanggang matinding pag-ulan mamayang gabi hanggang Martes ang Batanes, Cagayan, Isabela, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Region.


Mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan naman ang maaaring maranasan sa bahagi ng Central Luzon at natitirang bahagi ng Cagayan Valley.

Kasunod nito, pinayuhan ng NDRRMC ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na mag-ingat sa banta ng pagbaha, pagguho ng lupa, at sa panganib ng malakas na hangin na dala ng bagyo.

Tiniyak din ng NDRRMC na nakahanda sila maging ang iba’t ibang mga Regional DRRM Councils, mga tanggapan ng pamahalaan at mga pamahalaang lokal para sa posibleng epektong idulot ng bagyo.

Facebook Comments