NDRRMC, pinatitiyak sa mga ahensya ng pamahalaan ang kaligtasan ng publiko ngayong nag-umpisa na ang panahon ng tag-ulan

Nanawagan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa lahat ng sangay ng pamahalaan mula national hanggang barangay level pati na rin ang pribadong sektor na tiyakin ang kaligtasan ng publiko ngayong opisyal nang nagsimula ang panahon ng tag-ulan.

Inirekomenda ng NDRRMC ang agarang Pre-Disaster Risk Assessment, scenario building, inventory ng kagamitan, stockpiling, at paghahanda ng critical facilities. Kasama rin dito ang mahigpit na pagsunod sa LISTO Protocol ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Pinayuhan din ang publiko na maging alerto sa weather updates, maghanda ng Go Bag, at makipag-ugnayan agad sa kani-kanilang lokal na pamahalaan.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nagsimula na ang panahon ng tag-ulan dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan dulot ng habagat. Gayunman, posible pa rin ang mga monsoon breaks o panandaliang pagtigil ng ulan.

Facebook Comments