Pinaghahanda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga lugar na sinalanta ng Typhoon Quinta sa inaasahang pagtama ng Typhoon Rolly.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, hindi dapat binabalewala ang magiging epekto ng paparating bagyo dahil malakas ang dala nitong hangin.
Malaki at malawak ang iiwanang pinsala nito sa mga istraktura lalo na sa mga mahina ang pagkakagawa at sa mga bahay na yari lamang sa medium-built materials.
Sinabi pa ni Jalad na napakalawak ng dayametro ng bagyo kaya posibleng maapektuhan din ng Bagyong Rolly ang mga lugar na dinaanan ng Bagyong Quinta.
Dagdag pa ni Jalad ang Bagyong Rolly ay magiging kasing lakas ng Typhoon Tisoy na tumama sa bansa noong nakaraang taon na nag-iwan ng 12 patay at 6 milyong pisong pinsala sa agrikultura at imprastraktura.
Umapela ang NDRRMC sa publiko na pakinggan at sundin ang mga panawagan at utos ng kanilang lokal na pamahalaan para sila ay mailigtas mula sa magiging hagupit ng bagyo.
Binigyang-diin din ng NDRRMC ang mahigpit na pagpapatupad na health safety protocols sa harap ng COVID-19 pandemic.